Wednesday, January 06, 2021

One Great Love

    


    Meron ka bang tinatawag na One Great Love sa buhay mo? Sa tingin ko, lahat ng tao meron nito pero maaaring hindi na nila kasama ngayon.

    Naalala ko nung nakaraang Pasko ay may napanood akong MMFF entry na ang title ay 'One Great Love.' Maganda ang pelikula, parang teleserye sa dami ng plot haha. Nagustuhan ko dito ang huling linya ng pelikula, kung ano ang ibig sabihin ng One Great Love.

    Last 2019, may isang Facebook friend akong natipuhan. Type lang ba, hindi pa sa puntong umabot na gusto ko siya. Single naman ako kaya why not? Ako 'yung taong gusto ay date then eventually commitment. 'Yung hindi na dumadaan sa panliligaw at maikling panahon lang ang getting to know each other at darating na sa relasyon - na syempre pareho kayong agree. Kaya kung sinu-sino na lang ang nakikita ko hahaha meron sa online, meron sa personal. Maraming meet-ups, 'yung iba okay, 'yung iba nagwo-work at 'yung iba ay napadaan lang. At walang nagtagal pero masaya naman. Isa na siya doon.

    May mutual friends kami at medyo type ko siya sa friends suggestion dahil ang cool ng profile picture niya kaya nakadagdag points 'yon para i-add ko siya hahaha - in-accept naman niya. Sa totoo lang, hindi naman kami gaanong magkakilala. Madalas ay nagco-comment ako sa mga My Day niya sa Messenger pero sa kasamaang-palad ay wala siyang replies. Madalas lang sa FB reacts kami nagtatagpo pero pagdating sa private message ay walang gaanong conversation maliban sa mga reply ko sa My Day niya. Hanggang sa

1 JAN 2020 AT 12:34 AM
Happy New year klasmeyt

    Baka group message. Generic term ang 'klasmeyt' sa Adamson kaya baka copy-paste lang. Schoolmate ko siya at magkasama kami sa isang student organization. And for the record, siya lang ang bumati sa akin ng Happy New Year na out of nowhere. Puro GIF kasi ang ni-send sa akin. Kahit papaano, ito ay text. Tinanggap ko naman ang greetings niya at binati ko rin pabalik. Nagkaroon ng konting conversation then ayun, matagal na bago kami huling nag-usap.

    February 2020, may mga binentang flowers na may kasamang chocolates. Mura na dahil tapos na ang Valentine's Day. Kung ekonomista kang tao, alam mong magmumura lahat ng Valentine's Day items sa February 15. Kaya mas praktikal makipag-date talaga after Valentine's Day (just a tip haha) Bumili ako ng marami out of nowhere. Sobrang mura kasi. Tinabi ko muna pero hindi ko sukat akalain na may pagbibigyan pala ako nito.

    Isang gabi, hindi ko na matandaan kung ano ang nag-trigger para mag-usap kami at naging matagal ito. Umabot ng halos 5 hours. Ang napag-usapan namin ay tungkol sa buhay buhay. Parang 2 strangers na nasa isang restaurant at biglang nagkausap at may gustong sabihin sa isa't isa. Marami akong nalaman sa kanya, gano'n din siya mula sa akin. Karamihan ay tungkol sa school at student organization at ang iba ay sa personal na buhay. May mga bagay na nagustuhan ko sa kanya, isa na rito ang perspective niya sa buhay. Maaaring virtual lang ito pero iba ang atake sa akin. Unexplainable feeling ba. Hindi ko naman pinagdudahan ang naramdaman ko dahil may context ito. At sa mga sumunod na araw, parang hinahanap-hanap ko na siya. Tumigil ang mundo ko na parang siya na lang ang gustong kausapin at huwag nang mag-entertain ng iba. Pero naging limitado naman ang pag-uusap namin dahil may pinaghandaan siyang licensure exam. Syempre, naintindihan ko naman 'yon pero nakaka-miss siya.

    Sa tindi siguro ng pangungulila ko ay naging stable itong feelings ko. Kaya ang binili kong flowers na may chocolates nung February 15 ay binigay ko sa kanya. Ang bilang ng flowers ay bilang ng letra ng kanyang pangalan na may lisensya niya bilang pagbibigay ng wish of luck sa kanyang exam - na sumakto sa bilang ng binili ko. Nag-selfie pa nga ako na may hawak na papel at nakasulat ang pagsuporta sa kanya. Parang stage father lang HAHAHA! Ang tanong, nakahalata na kaya siya? Parang hindi ata.

    Hindi siya nakapasa ng exam (siguro dahil magulo ako) pero may binanggit siya sa akin na aminadong 'yon ang dahilan kung bakit hindi siya nakapasa. Nakalulungkot pero sabi ko sa kanya, there's still next time. Baka hindi pa ngayon. At saka niya sinabi ang kanyang plano na mangibang-bansa. Bigla tuloy akong nalungkot sa sinabi niyang 'yon. Bigla tuloy akong naging secretary ng Department of Tourism para ipakita sa kanya ang halaga at ganda ng Pilipinas para manatili lang siya. Iba na talaga ang naramdaman ko sa kanya.

    Nasa trabaho ako nun at gusto ko nang sabihin ang nararamdaman ko sa kanya. Sabi niya kasi ay busy siya parati kaya sinabi ko na lang through private message. Pero bakit ako kinabahan? Sa mga taong nagustuhan ko noon ay madali ko lang nabanggit ang feelings ko pero bakit dito, may pressure? Nag-break ako sa trabaho para sabihin sa kanya ang isang magandang balita - na gusto ko siya. Bad news pala ito kalaunan.

    Ilang beses ko na siyang nakita hindi dahil stalker ako kundi schoolmate ko nga siya at magkasama kami sa student organization pero parang siya, isang beses lang niya akong nakita nung binigay ko ang flowers na may chocolates. Kaya sumugal ako sa nararamdaman ko. Sabi nga nila, it's better to say it before it's too late pero meron din naman better things left unsaid. Wala naman akong pinagsisihan. No regrets after all dahil ito 'yung nararamdaman ko, bakit ko itatago? Sabi niya, hindi kami aabot sa commitment at ang kaya lang niyang ibigay ay lalabas kami para mag-usap lang, 'yun lang. Bonding ba. At na-conclude kong, rejected ako. Doon ko na-realize na hindi na ako ang taong puro date na lang - gusto ko na bumalik dati sa normal na takbo ng relasyon na may panliligaw, may panahon para patunayan ang nararamdaman at magiging worth it kapag narinig ko ang salitang 'yes.' Baka for 'friends' lang ito. Ayoko naman ma-friendzoned. Ang hirap naman ata na parati kaming lalabas na magkasama at patuloy lang akong aasa. Magkakaroon kami ng oras sa isa't isa pero hanggang doon lang? Ang sakit naman nun.

    O baka mali lang ako ng interpretasyon sa sinabi niya? Na gusto niyang magsimula sa friends at eventually dumating doon? Pero hinimay ko talaga ang mga salitang sinabi niya. Doon lang ang kaya niyang ibigay. Parang nagsalita na siya ng tapos. O ako ang nag-conclude kaagad? Hindi naman ibig sabihin na umamin ako ng nararamdaman sa kanya ay gusto ko na kaagad ang commitment. Gusto ko na maging aware siya.

    I had decided to distance myself. Medyo malaki ang fallback kaya mahirap makabangon. May nararamdaman pa ako sa kanya pero gusto ko na muna dumistansya. Minsan, kinakausap niya ako pero matipid ang replies ko. Pandemic pa; wala ring pagkakataon na magkikita kami kahit sa school. Malaking tulong para mawala na itong nararamdaman ko sa kanya. Because it's time to let it go. Gumawa pa nga ako ng paraan, nag-isip ako kung ano ang mga bagay na nakaka-turn off sa kanya pero parang wala naman. Mahilig naman ako sa pandak. Wala naman akong pakialam sa mga shared posts niya patungkol sa social issues. Okay lang naman sa akin kung sobrang matalino. Parang wala akong nakitang negative sa kanya. Gano'n ata ang love is blind. Edi hindi nawala itong feelings ko sa kanya. Wala rin akong ibang in-entertain at nanatili lang siya sa puso ko. Napansin nga ng kaibigan ko na parang ang tagal na ng feelings ko sa kanya. Dahil alam ng kaibigan ko kung ano ang history ng lovelife ko hahaha. 

    Dahil naging skeleton staff ako sa aming company dulot ng pandemya, malaki ang benefits. At dahil dito ay nakabili ako ng bago kong mid-range phone. Dapat nga less than PHP10,000 phone lang ang una kong plano pero dumating itong pagkakataon kaya naging mataas ang budget ko. Plano kong bilhin sana ang Huawei 7i pero sabi ng tita ko na hindi ito worth it dahil walang Google kahit gustong-gusto ko ang design nito. Marami rin akong ni-consider pero nung may flash sale ang Shopee ay dali-dali kong in-add to cart ang phone na ito.  Impulsive buying ba. At sa hindi ko maintindihang pagkakataon, pareho kami ng eksaktong unit ng phone pati ng kulay - Huawei Nova 5T

    Ilang beses ko nang napansin na pinagtatagpo kami ng mga pagkakataon. May mga bagay na pareho kami ng hilig at maski ang mga pananaw namin sa buhay. Baka sign na ito. Pero hindi sa lahat ng pagkakataon. At ayun, patuloy kong tinatanggal ang nararamdaman ko sa kanya. Dahil nga sa mga ganitong common denominators ay doon siya nagkakaroon ng dahilan para kausapin ako kahit ayoko nang makipag-usap sa kanya - baka mas lalo akong ma-attach. Sana naintindihan niya ang sitwasyon ko. Hindi kasi ako nagkakagusto kapag kaibigan ko na o tropa ko. Lagi akong nagkakagusto sa isang stranger at doon magsisimula ang getting to know each other. Hindi naman kami nagsimula bilang kaibigan. Iba kaagad ang naging pagtingin ko sa kanya. Mahirap nang baliktarin kung ano man ang gusto niyang mangyari - na hanggang kaibigan lang kami. For the record, hindi ito ang unang pagkakataon na na-friendzoned ako kaya kahit papaano alam ko na patakbuhin ang sitwasyon na ito. Pero nagpupumilit pa rin siyang i-entertain ako. 

    Kung may isang taong umamin ng nararamdaman niya sa akin at kapag ayaw ko, hindi ko na kakausapin para kahit papaano makatulong na mawala 'yung nararamdaman niya sa akin at para saan pa kung ie-entertain ko siya kung wala naman talaga? Baka iba ang pananaw niya pagdating sa pag-ibig na kapag ni-reject, mas lalong i-entetain. Kung gusto niya makipag-kaibigan dahil sa common denominators namin, sorry, hindi ko 'yon kayang ibigay. Kaya sa huling pagkakataon, tinanong ko muli siya - friends pa rin ang kanyang sagot. 'Yon pa rin ang pananaw niya sa akin. 'Yon ang gusto niya kaya gusto niya akong kausapin. Baka bored lang dahil pandemic. Ah, sakit naman nun.

    'Yon ang nag-trigger sa akin para mas lalong dumistansya sa kanya - unfollowed at unfriend. Para wala na talagang ugnayan.

    Ilang buwan din naging payapa ang buhay ko. Wala nang cute na nanggugulo. Hindi ko na hinahanap-hanap pa. Eventually, I found someone. Mas bata sa akin pero ayoko talaga ng mas bata sa akin pero heto na, we liked each other pero hindi nag-work. Sayang, first time kong maka-encounter na sobrang comfortable ako. 'Yung tipong nakikipag-debate ako at minumura ko pa pero okay pa rin HAHAHA! Kasagsagan nung patapos na ang aming communication nito, biglang

*Shopee*

    Biglang tumunog ang phone ko, may nag-message sa Shopee. Online seller ako ng GMA Affordabox, face masks at face shields at parang pamilyar na may gustong bumili ng face masks at face shields ko. Sabi ko ay available ang mga ito at i-add to cart lang niya. At nung lumabas na ang kanyang customer information ay doon ko nakita ang contact number, address at buong pangalan niya. Lintik na kumag - siya.

    Sabi ko talaga noon, "Lord, bakit ba ako sinusundan ng taong ito?" Naging professional at business man naman ako at kinausap siya sa about sa kanyang orders. Pero paano niya nalaman ang Shopee account ko at isa akong seller? Stalker ba 'to? 

    Well, a theory from a Political Science Student. Nung araw na in-unfollow ko siya sa Instagram ay naka-private account siya pero kinabukasan, nung ni-stalk ko siya ay biglang naging public account. Hmmm.... something fishy. Nalaman niyang hindi ko na siya fino-follow sa Instagram kahit wala naman gano'ng klaseng notification ang Instagram. Kaya siguro nalaman niya rin na online seller ako. Lahat naman ata ng tao sa social media ay pwedeng maging stalker pero siya, parang licensed. This is just a theory though.

    Gusto ko na talaga lumayo sa kanya. Pero bakit dumating naman uli siya kung kailan..., kung kailan na ako'y muling nag-iisa. Right timing ba? Hindi ko alam. And just one night, napagod ako sa mga ginawa ko nung araw na 'yon at kailangan ko ng something 'lambing' para mapawi ang pagod ko. Malambing naman mga kapatid ko at mga alaga kong pets pero iba ang lambing na kailangan ko. Ni-chat ko siya sa Shopee, pero bigla akong nagising sa katotohanan at 'di ko na kayang burahin 'yung ni-send ko sa kanya. Hindi na ako nag-reply nung um-okay siya na maglambingan kami. Nangulit siya kaya sinakyan ko na lang, baka hindi pa siya bumili ng face masks/shields. Professional 'to. At boom, sa isang iglap lang ay bumalik na naman. Sincere itong nararamdaman ko sa kanya dahil parang hindi nawawala. #SalamatShopee

    Medyo naging matagal bago kami huling nag-usap dahil busy sa kanya-kanyang buhay. Hanggang sa hindi ko malamang dahilan kung bakit nag-send siya ng half-naked selfie niya sa akin sa Viber. Alam niya ang Viber account ko dahil minsan kong sinabi sa kanya 'to nung social media break ako para doon kami mag-usap. Sana kung magse-send siya, buo na. Charot. Kinalmahan ko ang sarili ko nun at ni-treat as normal. Tinanggap ko ang ni-send niya na nakita ko kahit binura niya kaagad. Galing siya sa fitness gym na kababalik lang after i-ease ang restrictions. At nasundan pa ito. Ni-treat ko lang talaga as normal. Dahil minsan din naming napag-usapan ang about sa fitness gym. May history kasi ako ng heavy workout noon kaya nakaka-relate kami sa isa't isa kapag ganito ang topic. History na lang ang heavy workout ko kasi mataba na ako ngayon. Wahahaha at napag-isip-isip ko, what if, may meaning 'yung mga pinagse-send niya?

    Sabi niya sa akin ay isa sa mga pinakaayaw niyang gawin ang pag-selfie. Pero bakit parang naka-monthly subscription ako sa selfies niya? Lagi siyang nagse-send. Marami naman siyang portrait photos sa Facebook kaya hindi na ako nag-isip nang kung anu-ano pa pero ang cute niya sa mga selfie niya huhu. Ngunit nagtaka na ako, nung nag-usap kami sa Viber ay madalas na niya akong kausapin na may panimulang bati na, "babe." Baka dahil mataba ako kaya gano'n. Minsan, "baby" pa ang tawag niya. Nakakatawa nga na tuwing 7pm kami nag-uusap. I still treat it as normal. Sayang naman ang in-invest ko para mawala ang feelings ko sa kanya. Naisip ko nga na baka bored lang 'to at walang ginagawa tuwing 7pm. 

    Parang isa akong bulkan. Maraming magma sa loob pero anytime pwedeng sumabog. At kapag sumabog ay magiging visible at tatawaging lava. Lava is in the air. Binalikan ko ang ni-send niyang selfies - ang cute niya talaga. Masarap akbayan, masarap katabi sa biyahe at matulog sa kanyang balikat, masarap yakapin at higit sa lahat - masarap mahalin. (Luh, ano, akala niyo ha, umasa kayo na sasabihin ko ang - masarap kainin).

    I love that person, may pangako nga pala akong libreng milk tea sa kanya at ni-set na namin ang date. Bigla kong naisip na i-prank siya. Ang sabihin sa kanya na wala na akong nararamdaman sa kanya. Sasabihin ko na sana, ito ay isang prank pero parang naging matamlay ang replies niya. Prank gone wrong. Binalewala ko na lang. Magkikita naman kami. Pero sa maling pagkakataon ay hindi raw siya pwede ilang oras bago kami magkita ay binanggit niya ito kaya hindi ito natuloy. Bigla siyang nawala. Hindi na nasunod ang 7pm pattern. Tuloy, hinahanap-hanap ko. 

    Sa dinami-dami kong realizations sa tao na ito, sana ito na ang kongklusyon. Treat that person as a friend. Doon ko na siya in-add sa Facebook at ni-follow sa Instagram. Doon ako naging matapang na hindi na ako maiilang kapag nakikita ko siya. Kaya ko 'to. 

    Hindi natuloy ang aming pagkikita kaya binawi ko na lang sa food delivery. Kinuha ko ang address niya sa Shopee kaya doon ko pinadala. Bayad na 'yon syempre at surprise 'yon. Kinausap naman niya ako sa natanggap niya na at 'buti na lang ay nasa bahay siya nung oras na 'yon, kung hindi ay mapupunta sa ibang tao. Para hindi na rin kami magkita pa.

    Ang aming mga huling pag-uusap ay nung binati niya ako nung birthday ko at nung Pasko. Parang normal na usapan na lamang. May lakad ako until December 27 kaya busy ako. Bigla niyang pinaalala 'yung milk tea. Akala ko, sapat na 'yung food delivery pero gusto niya pa pala. Baka hindi ang milk tea ang gusto niya kundi gusto niya akong makita. Yhieeee assuming. Hindi ko naman tinanggihan kaya lang ang date na libre siya ay December 27 kaya hindi pwede. 

    Hours before 27th ay biglang nagkaroon ng changes sa mga lakad ko sa hindi inaasahang pagkakataon. Hindi ko sinadya, huwag kayong ano dyan. Kaya naging libre ako. Sinabi ko sa kanya at good deal na kami. Treat ko siya ng milk tea sa Black Scoop. 

    Hindi naman ako nahirapan sa pagtulog kaya hindi ako nasasabik na makita siya pero may konting kaba. Ihing-ihi na tuloy ako sa byahe nun kasabay pa ng katamtamang ulan. At nung segundong nakita ko ang mga mata niya, nanumbalik ang lahat - ang taong cute na nagustuhan ko. Ang unexplainable feeling ko sa kanya. Ang aming common denominators. Ang mga pagkakataon o signs sa aming dalawa. Ang kauna-unahang tao na binanggit ko ang pangalan sa aking araw-araw na dasal na maging maganda ang ending naming dalawa. Madalas kapag nagdarasal ako ay sinasabi ko lang na i-guide ang lovelife ko pero hindi ako bumabanggit ng pangalan. Itong tao na ito ay kasama ko na ngayon. 

    Nag-usap kami. Normal na usapan lang sa kung ano na ang pinag-uusapan na rin namin noon. Napansin ko na parang walang bago. Tutal face-to-face na kami ay magandang meron kaming topic na hindi pa namin napag-uusapan. Ngunit wala naman pero lagpas 2 oras din kaming nag-usap. Sakto, pupunta raw siya ng condo at gusto kong sumama. Dinahilan ko 'yung ihing-ihi na ako hahaha para magkaroon pa kami ng oras sa isa't isa na baka ito na ang huli. At kung nag-iisip kayo na may balak ako, big NO. I always do this generic rule when meeting someone first time. Hindi mangyayari 'yon and only date. Dahil gusto ko mag-iwan ng magandang first impression kahit niyayaya na ako, tumatanggi ako. And on this one, no. Sumama ako sa condo niya at maganda naman. Umihi na rin ako. Pero parang gusto kong iuwi 'yung isang alak sa taas ng refrigerator nila. Mamahaling alak at sabi niya sa akin, kung gusto ko raw iuwi. Gusto ko sana pero LRT ang sakay ko pauwi. Pasalubong ko sana sa mga magulang ko na mahilig sa alak. (At kung pwede na makikilala ka rin nila, pero wala eh)

    At oo nga pala, may bebe na raw siya. Edi sila na. Based sa shared posts niya ay meron na raw siyang bebe. Meron na siyang iba. Kinumpirma niya 'to nung kinausap ko siya. Medyo nasaktan ako pero baka ito na rin ang happy ending. Masaya siya sa iba. Happy ako para sa kanya.

    Ito 'yung tinatawag kong highest act of love - ang pag-let go. Kasi kapag ni-let go mo ang isang tao ngunit may gusto ng iba, ano pa ang rason para ipaglaban pa? Kung masaya na siya sa iba. Mahal mo ang isang tao kapag binigay mo sa kanya kung saan siya masaya. Heto na siguro ang dasal ko noon na "happy ending."

    Kung mapapansin ninyo, parang roller coaster ang feelings ko sa kanya. Ups and downs ba kumbaga. Minsan nandyan, minsan wala. Pero 'di ba ito ang characteristics ng normal na relationship? Ang may ups and downs. Sayang talaga. Baka hindi talaga kami para sa isa't isa. Habang tina-type ko ito, may luhang bumabagsak na parang kasing-tulad ng malakas na bagyo pero bagyo lamang ito, Kharl, dadaan at mawawala rin.

'Cause someday, someone's gonna love me
The way I wanted you to need me
Someday, someone's gonna take your place
One day, I'll forget about you
You'll see, I won't even miss you
Someday, someday

    Question, why am I still writing this even if it hurts? Siya kasi ang one great love ko. Ang ibig sabihin ng one great love ay ang taong pinakaminahal mo, naramdaman mo sa sarili mo na talagang minahal ka o minahal mo ang taong 'yon dahil sa maraming rason. Hindi rin ito sinusukat kung gaano katagal o kaikli ang love na ito. Hindi rin ito exlusive sa commitment kaya kahit wala kayong naging relasyon kung naramdaman mo ito, siya ang one great love mo. At hindi rin ibig sabihin na one great love mo ay siya ang forever mo, na siya ang magiging asawa mo. You can experience that, trust me. 

    Bumati siya noong New Year, nag-notify sa akin pero hindi ko na ito sinagot. Cliché man kung sabihin pero ito ang bago sa aking bagong taon. Doon din naman nagsimula ang lahat, ang New Year's Greetings, dito na rin magtatapos. Naaawa na rin ako sa sarili ko. At meron din naman mali sa akin. Marami akong sinayang na pagkakataon. Marami akong pagkukulang kaya hindi nag-work ang aking one great love. Salamat at naging parte siya ng buhay ko. Maraming pagkakataon. Hindi lang siguro itinadhana. Ang bago kong dasal ngayon, hindi man naging tayo ngayon ay sana sa next life - ikaw ang makilala ko at pipiliin ko; tayo lamang. Kahit ano pa tayong nilalang, basta't kasama kita. Because I'm fucking serious that I loved you.

-Kav

No comments:

Post a Comment